Manunumbalik na ang byahe ng Philippine National Railways (PNR) sa linyang San Pablo City patungong Calamba, Laguna simula bukas, Pebrero 9, matapos ang masusing rehabilitasyon at pagpapatibay ng mga tulay sa Biñan at Tarapichi.
Tutulak sa ganap na alas 6:23 ng umaga ang unang biyahe ng PNR train galing sa San Pablo na tatawid sa 32.62 kilometrong riles patungong Calamba.
Ang huling byahe ng nasabing linya ay magmumula naman sa Calamba patungong San Pablo sa ganap na alas 6:30 ng gabi.
Sa kaugnay na kaganapan sa PNR, ibinalik na rin noong Miyerkules, Pebrero 1, ang biyaheng Tutuban-Calamba na siyang nasisilbing daan sa mga pasahero mula Laguna na makabiyahe papuntang Kalakhang Maynila, at pabalik.
Siniguro ni PNR General Manager Jeremy S. Regino na kumpunihin, ayusin, at mas patibayin ang mga tulay na dinaraanan ng tren na nagkokonekta sa mga probinsya upang mapanumbalik ang mga nasabing biyaheng San Pablo-Calamba at Calamba-Tutuban ng PNR.
Inatasan din ni GM Regino ang mga inhinyero ng PNR na gawing mas masigasig ang regular maintenance at masiguro ang tibay ng mga tulay sa panahong may kalamidad.
Noong Huwebes, Pebrero 2, personal na binisita at ininspeksyon ni GM Regino ang mga tulay ng Biñan at Palicpic – Ayungin kung saan nilakad at tinawiran niya at masusing siniyasat ang mga kinumpuni ng PNR Engineering Department. ##