Upang mapabilis ang konstruksyon ng makabagong North-South Commuter Railway (NSCR), ihihinto ng Philippine National Railways (PNR) ang biyahe ng tren sa rutang Gov. Pascual, Malabon hanggang Calamba, ayon sa pahayag ni Undersecretary for Railways Cesar B. Chavez sa hearing ng House Committee noong Huwebes, Pebrero 16.
Sa paghinto ng biyahe ng PNR sa rutang nasambit kung saan ilalatag ang NSCR tracks at itatayo ang mga poste, mapapabilis ang paggawa ng walong buwan, paliwanag ni Chavez.
Tinatayang aabot sa PHP15.18 bilyon ang matitipid ng pamahalaan sa mabilis na pagtapos ng paggawa ng NSCR, dagdag pa ng opisyal ng Department of Transportation (DOTr).
Samantala, sa katapusan ng Mayo inaaasahang ihihinto na rin ang rutang Alabang-Calamba.
Ang mga contract packages S-04, S-05, S-06, at S-07 ng NSCR extension na mula Tutuban hanggang Calamba ay linagdaan noong Oktubre 6, 2022. Ang mga ito ay sasakop sa mga istasyon ng PNR sa Alabang, Muntinlupa hanggang Calamba City, Laguna, kasama rin ang train depot sa Brgy. Banlic, Calamba City.
Nakatakda namang igawad ang kontrata para sa Manila-Alabang sa darating na Marso. Dahil dito, inaasahang ihihinto rin ang operasyon ng PNR sa rutang Tutuban-Alabang sa Oktubre ngayong taon.
Ang mas maagang pagtapos ng NSCR project ay mangangahulugan ng mas agarang serbisyo sa mga pasahero sa mga rutang daraanan nito.
Binanggit din ni Chavez na nakikipag-ugnayan na ang DOTr at PNR sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mabigyan ng alternatibong transportasyon ang aabot sa 30,000 pasaherong apektado ng paghinto ng biyahe ng PNR.
“Magsasagawa ng pormal na anunsyo ang DOTr at PNR dalawang buwan bago ang opisyal na paghinto ng operasyon ng mga tren,” sabi ni Chavez.
Inaasahang sa darating na Mayo ang pinaka-maagang paghinto ng operasyon ng PNR sa rutang Gov. Pascual, Malabon-Calamba.
Ang NSCR ay maituturing na isa sa mga pinakabagong train systems sa buong Silangang Asya. Ito ay magkakaroon ng mga rutang Tutuban - Clark International Airport at Tutuban - Calamba na inaasahang matatapos NSCR sa taong 2026.
Kaligtasan ng publiko ang isa sa mga pangunahing dahilan ng paghinto ng operasyon ng PNR.
“Ang kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero ng PNR ang laging Number 1 sa prayoridad ng pamunuan ng PNR. Ang magkaakibat na isyu ng kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero ng PNR ang parating gumagabay sa mga desisyon ng pamunuan ng PNR,” ani Chavez.
“Hindi pahihintulutan ng pamunuan ng PNR na malagay sa panganib ang mga pasahero ng PNR habang ginagawa ang NSCR,” dagdag pa nito.
“May sapat na panahon upang ihanda ang lahat ng mga kinakailangan para ipatupad ang paggamit ng mga alternatibong transportasyon sa mga PNR train,” sabi ni Chavez.
Dagdag ni Chavez, kapag natapos na ang NSCR, lalong bibilis at giginhawa ang byahe ng mga pasahero nito.
“Mas magiging mabilis at mas komportable ang biyahe para sa mga pasahero na galing sa mga probinsya papuntang Kamaynilaan,” sabi ni Chavez. “Malaki rin ang ma-iaambag ng NSCR sa pag-unlad at pag-sigla ang ating ekonomiya,” dagdag pa nito.
##