MENU
×

Warning

JUser: :_load: Unable to load user with ID: 1000

photo 2023 03 06 15 08 48

Binuksan muli ng Philippine National Railways (PNR) ang serbisyo ng tren sa byaheng San Pablo - Lucena kaninang umaga, Marso 6, pagkatapos maisaayos ang tulay ng Tabag sa Barangay Bucal, Sariaya, Quezon.

Sa ganap na alas-6:15 ng umaga ay umalis ang biyahe ng tren mula San Pablo na tumawid sa 45-kilometrong riles patungong Lucena.

Ang byahe naman mula Lucena patungong San Pablo ay aalis ng alas-5:50 ng hapon mamaya.

PHP 50.00 ang pamasahe sa rutang San Pablo - Lucena at Lucena - San Pablo.

photo 2023 03 06 15 08 51

Samantala, ang byaheng mula San Pablo patungong Calamba, na PHP 55.00 ang pamasahe, ay tumulak sa ganap na alas-6:25 ng umaga. Ang byahe naman mula Calamba papuntang San Pablo ay aalis ng alas-6:30 ng gabi mamaya.

Noong Pebrero 1, nauna nang ibinalik ng PNR ang rutang Tutuban – Calamba na may habang 65-kilometrong riles. Ang pamasahe sa rutang ito ay PHP 60.00.

Sa pamamagitan ng isang direktiba, inutos ni Transportation Secretary Jaime J. Bautista na ayusin at patibayin ang mga tulay ng PNR na binabagtas ng tren para sa mas maayos na biyahe at kaligtasan ng mananakay at publiko.

Inatasan din ni Sec. Bautista ang mga inhinyero ng PNR na gawing mas masigasig ang regular maintenance at masiguro ang tibay ng mga tulay sa panahong may kalamidad.

photo 2023 03 06 15 08 52

Noong Pebrero 2, personal na ininspeksyon ni PNR General Manager Jeremy S. Regino ang mga tulay ng Biñan, Tarapichi, at Palicpic – Ayungin na kinumpuni ng PNR Engineering Department.

Dahil sa natapos na pagpapatibay ng mga tulay sa probinsya ng Laguna at Quezon, muli na namang nadagdagan ang inter-provincial trips ng PNR sa linyang Calamba - San Pablo - Lucena.

Kasalukuyan ding kinukumpuni ng mga inhinyero ng PNR ang tulay ng Pipisik na daraanan ng mga PNR trains patungo sa bayan ng Gumaca sa lalawigan ng Quezon.

Bukod sa Gumaca, magiging konektado rin ang mga byahe ng PNR patungong Hondagua, sa Lopez, Quezon kapag natapos ang nasabing tulay. Ang Hondagua ay isang tourist destination.###