Sa Mayo 25 at Mayo 26, ang Philippine National Railways (PNR) at Department of Transportation ay makikilahok sa malawakang pagbabakunang tinatawag na “Chikiting Ligtas 2023: Join the Big Catch Up, Magpabakuna para sa Healthy Pilipinas!”
Isinusulong ng Department of Health, World Health Organization, at ng United Nations Children’s Fund ang kampanyang mass vaccination laban sa measles (tigdas), rubella (tigdas-hangin), at polio. Ang Chikiting Ligtas 2023 ay isang supplemental immunization campaign para sa mga batang 5 taon pababa.
Bilang pakikiisa sa World Immunization Week, gagawin sa PNR Tutuban Station sa Mayo 25 at Mayo 26, mula 9:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali ang mass vaccination.
Maaring magpunta ang mga bata kasama ang kanilang mga magulang o guardian sa PNR Tutuban sa nasabing araw at oras upang mabakunahan.
Layunin ng DOH na maprotektahan ang mga batang Filipino laban sa mga sakit na kayang pigilan ng bakuna, tulad ng measles, rubella, at polio.
Nais rin ng DOH na mapanumbalik ng mga Filipino ang pagtitiwala sa mga bakuna. Ang pagbabakuna ay subok na sa paglaban sa mga outbreak ng mga nakakahawak sakit. ##