MENU
×

Warning

JUser: :_load: Unable to load user with ID: 1000

photo 2023 07 31 14 37 41

NAGA CITY — Sa unang pagkakataon matapos ang anim na taon, tumulak ang tren ng Philippine National Railways (PNR) mula Ligao Station sa Lalawigan ng Albay patungong Naga Station sa Camarines Sur kaninang 5:30 ng umaga, Hulyo 31.

Anim na beses pinatunog ang kampana ng Naga at Ligao stations upang tuldukan ang anim na taong pagtigil ng serbisyo sa ruta na may 67 kilometrong haba ng mga riles.

Halos isang daang pasahero ang sumakay sa siyam na istasyon at flag stops: Naga, Pili, Baao, Iriga, Bato, Matacon, Polangui, Oas, at Ligao.

Sinalubong ng mga kawani ng PNR ang mga pasahero mula Albay at Camarines Sur sa pangunguna ni PNR Engineering Department manager, Engr. Jaypee Relleve.

Sa isang pahayag, nagpasalamat si Engr. Relleve sa mga pasahero na sumakay sa unang train mula Ligao.

Hinikayat din niya ang mga taga-Camarines Sur at Albay na tangkilikin at suportahan ang serbisyo ng PNR.

Araw-araw, mula ngayon, aalis ang unang biyahe ng PNR mula sa Ligao patungong Naga sa ganap na alas 5:30 ng umaga. Susundan ito ng ikalawang biyahe sa ganap na alas 5:30 ng hapon mula sa Naga patungong Ligao. 

Ayon sa pamunuan ng PNR, kapag dumami ang mga pasahero sa ruta, magkakaroon ng karagdagang byahe sa ruta.

Tinatayang aabutin ng dalawang oras at 11 minuto ang biyahe mula Ligao patungong Naga at pabalik, gamit ang isang Diesel Hydraulic Locomotive (DHL) na mayroong limang passenger coaches na kayang magsakay ng higit 1,300 libong mga pasahero.

Ang pinakamurang pamasahe ay 15 piso para sa unang istasyon, at aabot sa 105 piso hanggang sa huling istasyon ng tren.

Makikinabang naman ng 20% discount ang mga estudyante, senior citizens, at PWDs sa PNR.

Bagama’t boluntaryo na ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon, ipinagbabawal pa rin ang pagkain at pag-inom sa loob ng mga tren, para sa mas ligtas at komportableng biyaheng PNR.