Mula ngayong araw, October 27, ipatutupad na ng Philippine National Railways (PNR) ang “Oplan Biyaheng Ayos” ng Department of Transportation (DOTr) para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections at paggunita ng Undas 2023.
Pagtalima ito ng PNR sa naging direktiba ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista sa transport sector na siguruhing mapayapa at ligtas ang biyahe ng publiko ngayong holiday season.
Ayon kay PNR General Manager Jeremy S. Regino magtatagal hanggang sa November 5 ang “Oplan Biyaheng Ayos” sa PNR.
Tiniyak naman ni GM Regino na regular at tuloy-tuloy ang byahe ng mga tren ngayong eleksyon at Undas.
MGA BAGONG FLAGSTOPS PARA SA UNDAS 2023 Samantala, simula sa October 31 hanggang sa November 2, maglalagay ng karagdagang flag stops ang PNR sa ilang mga lugar na malapit sa mga sementeryo.
Kabilang dito ang Hermosa flag stop sa pagitan ng 5th Avenue at Solis, Espeleta flag stop sa pagitan ng Sucat at Alabang, Santa Ana flag stop sa pagitan ng San Pablo at Tiaong, at Candelaria Crossing flag stop sa pagitan ng Tiaong at Candelaria.
Magtatayo rin ang PNR ng help desks sa iba’t ibang istasyon upang umalalay sa inaasahang dagsa ng mga pasahero at sumagot sa kanilang mga tanong at reklamo.
“Hangad po ng PNR ang ligtas at komportableng byahe ng mga pasahero ngayong panahon ng Eleksyon at Undas. Ipinapaalala rin po natin sa publiko na sumunod sa ipinatutupad na seguridad sa mga istasyon at flag stops, maging sa loob ng tren upang hindi maantala ang inyong mga biyahe,” ani ni GM Regino.
Isasailalim naman sa hightened alert ang mga istasyon at flagstops ng PNR na malapit sa mga sementeryo.
Aabot naman sa 66 na pinagsamang security personnel mula sa Philippine National Police (PNP) at PNR ang ipupuwesto sa iba’t ibang istasyon ng PNR upang magpatupad ng mahigpit na seguridad.
Nakaantabay din ang medical team ng PNR sa Tutuban Medical Clinic para sa mga pasaherong mangangailangan ng tulong medikal.
Mayroon ding mga first aid kit ang bawat tren upang magamit kung kinakailangan.
Maaaring bisitahin ang mga social media accounts ng PNR para sa iba pang impormasyon, anunsyo, at schedule ng biyahe ng tren.